Sino pa kayang Pilipino ang hindi pa nakarinig o nakapagbigkas ng mga katagang ito - "OK LANG".
Sa ating kulturang Pinoy, ang "ok lang" ang isa sa pinakasikat at pinakagasgas na linya. Convenient at versatile kasi ito. Palitan mo lang ng mga punctuation marks, dagdagan kaunti ng ilang salita at sabihin sa iba't - ibang tono. AYOS!, Magfifit in na sa kung anong sitwasyon ka man naroon.
Masaya - OK na OK pare!
(masiglang bigkas)
Galit - Ok ka lang?!
(mabilisang bigkas na may bigat)
Tamad - Ok lang..
(mabagal na bigkas)
Concerned citizen - Ok ka lang ba pare?
(patanong na bigkas na waring nang uusyoso)
...at madami pang iba.
Bakit nga ba nahiligan nating sabihin ito? Ito kasi siguro ang pinakamadaling sabihin sa kahit anong sitwasyon at tinatanggap naman ng karamihan. 'Yung tipong tamad ka nang mag-isip ng mas may lalim na tanong o sagot. At kung hindi ka naman interesado sa kausap mo, e bat ka pa nga naman mag iisip, hindi ba?
Ngunit, sa ibang mga pagkakataon naman, paganahin naman natin mga utak natin. Example, namatayan yung taong kausap mo at tatanungin mo ng "ok ka lang ba?" Ano sa tingin mo? Ikaw na nagtatanong, naranasan mo na bang mamatayan o di kaya ay mawalan ng importanteng tao sa buhay? At kung hindi ka pa nakontento, sasabihan mo pa ng "ok lang yan pare". E malamang naman na alam mo na hindi ok 'yun dahil hindi lang yun parang naagawan ka ng candy ng kalaro mo. Isa pa, nakita mo ng iyak ng iyak ang kaibigan mo tapos babanatan mo ng - "Ok ka lang?". Ano ba ate? 'Meron bang taong "ok" na iyak ng iyak?
Bakit nga kaya natanim sa sistema natin ito? Dahil ba "play safe" tayong mga Pinoy? Wala ba tayong paninindigan na lagi nalang "ok lang"? Takot ba tayong pumili ng stand natin sa buhay at kahit sa simpleng bagay na itatanong sayo, kunwari, "Gutom ka ba?", ang isasagot pa din natin ay "ok lang"? Saan ba patungo ang sagot na "ok lang"? Kung ikaw ay pessimist, maiintidihan mong, HINDI pa siya gutom at kung ikaw naman ay optimist, maiisip mong, OO gutom na siya.
Kaya kung may kausap kang ganito ang sagot sayo dahil tinamad na siyang mag-isip, pwes! ikaw naman ang kailangan mag isip ngayon sa kung ano mang ibig niyang sabihin sa mga katagang ito.
Nakipag usap ka pa kasi sa kanya.
Singapore, Sep 2011. Inspired by WOTL of Lourd de Veyra.
No comments:
Post a Comment